1989 na presyo para sa Hacienda Luisita – SC

MULA SA botong 8-6, nag-desisyon ang Korte Suprema na dapat sundin ng gobyerno ang 1989 valuation sa pagbabayad ng tinatawag na just compensation sa mga may-ari ng Hacienda Luisita, Incorporated (HLI).

Ayon kay SC Spokesman Midas Marquez, sa botong 8-6 ay napagpasyahan ng mga mahistrado na ipatupad ang valuation ng hacienda noong taong 1989 kung saan naiakyat ang usapin sa korte.

Base sa talaan ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa nasabing panahon ay ibinebenta lamang ng P16 kada square meter ang lupa sa hacienda ng mga Cojuangco.

Matatandaang umapela ang panig ng HLI na dapat ang 2006 value ng lupa ang magi-ging basehan sa matatanggap nilang bayad sa ibabahaging lupa sa mga magsasaka.

Umamin din si Atty. Tony Ligon ng Hacienda Luisita, Inc. na handa sila sa anumang magiging hatol ng Supreme Court (SC).

Kabilang naman sa mga bomoto para sa en banc resolution ay sina Chief Justice Renato Corona, Justices Presbitero J. Velasco, Jr., Teresita De Castro, Roberto A. Abad, Jose P. Perez, Martin Villarama, Jr., Jose C. Mendoza at Arturo D. Brion.

Una nang nagdesisyon ang Korte Suprema sa botong 14-0 na dapat ipamahagi na sa mga farmer-beneficiaries ang may 5,000 ektaryang lupain na pag-aari ng pamilya Cojuangco.

Higit na mabuti umano na wakasan na ang isyu ng Hacienda lalo’t nakakaladkad na rin ito maging sa kaso ng impeachment ng Punong Mahistrado. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.