188 kongresista; Sen. Drilon,hinamon ni Corona bago tumayo

BAGO TUMAYO sa witness stand para ‘ma-excuse’ matapos ang halos tatlong oras na pagdepensa sa kanyang sarili sa Senate Impeachment Court, hinamon ni Chief Justice Renato Corona ang 188 kongresistang pumirma sa impeachment complaint at si Sen. Franklin Drilon na pumirma sa ipinamahagi niyang ‘waiver’.

Ito ay matapos na pirmahan ng punong mahistrado ang kaparehas na waiver para mabuksan ang kanyang dollar at peso accounts, gayundin ang masiyasat ang lahat ng kanyang ari-arian. Ibibigay umano ni Corona ang pirmado niyang waiver sa mga kinauukulan kung gagawin din ng 188 kongresista at ni Sen. Drilon ang pagpirma ng nasabing waiver.

Nauna rito, mariing pinasinungalingan ni Corona ang lahat ng alegasyon laban sa kanya, partikular na ang tungkol sa dollar at peso accounts at ang hindi pagdedeklara ng mga ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN), at sa kanyang mga ari-arian.

Malinaw na inihayag ng punong mahistrado na 45 limang ari-arian na una nang inakusa ng prosekusyon, 5 lang dito ang lumalabas na pag-aari ni Corona. Sa inaakusa naman ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na pagkakaroon nito ng 82 dollar accounts, isa-isang nilinaw ni Corona na mali ang alegasyon ng Ombudsman at lumitaw na mayroon lamang siyang 4 na dollar accounts. Gayundin sa alegasyon ng 31 peso accounts, na inihayag ni Corona na 3 lang ang mayroon siya.

Inamin naman ni Corona na sadyang hindi niya inilagay o isinama sa kanyang SALN ang kanyang dollar accounts dahil sa

‘confidentiality provision’ sa lahat ng dollar accounts.

Kaugnay naman ng hindi rin niya pagsama ng 3 peso accounts sa kanyang SALN, sinabi ni Corona ang mga ito ai ‘co-mingled funds’ na hindi lang siya ang nagmamay-ari, tulad ng pondo mula sa kinita ng Basa-Guidote Enterprise, Inc. sa pagbebenta ng ari-arian.

Sinabi pa ng punong mahistrado na matapos niyang pag-aralan ang report ng Anti-Money Laundering Council, malinaw ang testimonya ni Ombudsman Carpio-Morales  ay isang ‘deception, exaggeration and misrepresentation’.

Dahil umano sa kasinu-ngaling lumabas sa pagtestigo ni Ombudsman Carpio-Morales, nasabi pa ni Corona na, “Ombudsman Morales, pinatutulog ka pa ba ng kunsensiya mo? Kung meron ka mang kunsensiya?”  (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.