18,463 Nabiyayaan ng Feeding Program sa Day Care Center

PINURI NI Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga estudyante na nagmula sa 204 day care center sa buong lungsod na nagtapos na bahagi pa rin ng Millenium Development Goal (MDG 1) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng lokal na pamahaalan.

Ayon kay Echiverri, noong Huwebes (June 21) ay pormal na nagtapos ang 18,463 estudyante kasabay ng kanilang pagtatapos sa feeding program na bahagi ng programa na naglalayong mailayo ang mga kabataan sa malnutrisyon.

Sa pamamagitan ng programang ito, araw-araw na pinakakain ng mga social workers ang mga estudyante na pumapasok sa mga day care center nang sa gayon ay maalagaan ang katawan ng mga batang estudyante.

Sinabi pa ng alkalde, isang magandang programa ang pagpapakain ng masustansiyang pagkain sa kabataang ito dahil nagiging masipag sa pag-aaral ang bawat isa dahil na rin sa suportang ibinibigay ng lokal na pamahalaan.

“Magaan sa pakiramdam ang mapasaya ang kabataang napagkaitan na makalasap ng masustansiyang pagkain kung kaya’t sa pagkakataong ito, itutuluy-tuloy natin ang pagpaparating ng programang katulad nito sa bawat residenteng nangangailangan,” sabi pa ng alkalde.

Base sa talaan ng City Social Welfare and Development (CSWD) ng Caloocan, inaasahan sana na ang susunod na feeding program ay magaganap sa darating na Hulyo ngunit dahil sa makabagong programang K+12 ng Department of Education (DepEd), nagkaroon ng late enrollees ang lahat ng day care center sa buong lungsod matapos na hindi mapunan ang kakulangan sa guro at mga silid-aralan para sa mga kindergarten students na nasa edad 5.

Sa mandato ng DepEd mula sa K+12, ang kabataang nasa 5 taong gulang ay dapat na ipasok bilang kindergarten sa alinmang mababang paaralan sa bansa na kalaunan ay napunta rin sa day care center dahil sa nabanggit na kakulangan.

Dahil dito, naurong ang petsang nakatala sa plano ng CSWD ngunit sinigurado ng naturang tanggapan na maihahatid sa susunod na grupo ng estudyanteng makikinabang sa MDG 1 ang programa ng DSWD.

“Ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan kaya’t sa pamamagitan ng ating pagbibigay ng tamang kalinga sa kanila ay matitiyak natin na magiging maganda ang susunod na hinaharap ng ating lungsod at ng ating bansa,” pagtatapos pa ni Echiverri.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.