17 Patay sa Bagyong Maring at Habagat; P78-M, Iniwang Pinsala – NDRRMC

UMABOT NA sa 17 katao ang mga namatay sa ilang araw na pananalasa ni bagyong Maring at ng habagat sa National Capital Region (NCR) at ilang mga rehiyon sa Luzon.

Sinabi ni NDRRMC spokesman Reynaldo Balido Jr. na pinakamaraming bilang ng nasawi na kanilang naitala ay nagmula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na may walong namatay, anim naman sa Central Luzon, isa sa Metro Manila, at isa sa Apayao.

Kabilang sa mga naidagdag sa listahan ng NDRRMC ay sina: Purita Maluz, 84, residente ng San Dionisio, Parañaque City (drowning); Roman Sanchez, 29, Lubao, Pampanga (electrocuted); Lodigario Parado Plasilo, 53, Meycauayan, Bulacan (drowning); Rustom Valeria Despeda, 12, Sariaya, Quezon (swept by flood); John Genesis, 23, Noveleta, Cavite (swept by flood); Roberto de Guzman, 53, Imus City, Cavite (swept by flood); at Constantine Modesto, 2, Imus City (swept by flood).

Ayon sa NDRRMC na nasa 41 katao na ang nasugatan sa kalamidad habang nasa lima naman ang mga nawawala na galing sa Pampanga.

Sa ngayon ay nasa 267,551 pamilya ang apektado o katumbas ng 1,256,508 katao mula sa 112 bayan at 31 lungsod sa 16 na mga lalawigan.

Kaugnay nito, u-maabot na lamang sa 41,344 pamilya o katumbas ng 186,741 katao ang mga nanatili pa sa 590 evacuation centers.

Base sa tala ng ahensya, tanging mga lugar na na-monitor na may pagbaha pa rin ay ang ilang lugar sa Ilocos, Central at Southern Luzon, kasama na ang Metro Manila.

Naglunsad na rin ng disaster relief operation ang NDRRMC para sa mga naging biktima ng bagyong Maring at habagat.

Samantala nasa kabuuang P78,868,659.40 na ang naitalang pinsala sa naturang kalamidad na kinabibilangan ng P56,582,000 sa imprastraktura habang nasa P22,286,659.40 naman sa agrikultura.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

Comments are closed.