167 Pasaway Na Driver Arestado Sa Caloocan

DAHIL SA pinaigting na kampanya ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri upang masugpo ang mga pasaway na driver ng mga pampublikong sasakyan ay umabot sa 167 na tsuper ang naaresto dahil sa paglabag sa mga batas trapiko sa buwan ng Agosto ng kasalukuyang taon.

Base sa isinumiteng ulat ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM), karamihan sa mga nahuli ay nagmamaneho ng pampasaherong jeep habang ang ilan naman ay mga namamasada ng tricycle at pedicab.

Ayon kay Echiverri, mas higit pang pinaigting ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga batas trapiko upang mabawasan ang mga pasaway na driver na kadalasang nagiging dahilan ng aksidente sa mga kalsada.

Kabilang din sa mga pinahuhuli ng alkalde ay ang mga jeepney driver na ginagawang terminal ang ilang pangunahing kalsada sa lungsod na nagiging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Pinaalalahanan din ni Echiverri ang mga driver ng pampublikong sasakyan na sumunod sa mga ipinatutupad na batas trapiko upang hindi na mahuli ang mga ito na bukod sa gambala ay magmumulta pa depende sa nilabag na pagkakasala.

Hiniling naman si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri sa mga opisyal ng barangay sa lungsod na tulungan ang mga tauhan ng RDPSTM at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa buong siyudad.

Sinabi pa ni Councilor RJ na malaki ang naitutulong ng mga tanod at opisyal ng barangay sa pagsasaayos sa daloy ng trapiko bukod pa sa pagpapanatili ng peace and order sa nasasakupang lugar ng mga ito.

Umaasa si Mayor Echiverri na sa pamamagitan ng paghuli sa mga pasaway na driver ng mga pampublikong sasakyan ay mababawasan na ang mga lumalabag sa batas trapiko dahil sa pagiging desidido ng lokal na pamahalaan sa pagsawata sa mga ito.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.