16 NA LUXURY CAR, IPINAMIGAY SA BAWAT BOKAL SA PANGASINAN

IBA-IBA ANG REAKSYON ngayon ng mga taong-bayan at ng ibang lokal na pamahalaan sa tila maanomalyang proseso sa loob ng kapitolyo Pangasinan hinggil sa umano’y pagbili ng may labing anim na luxury car na ipinamigay sa labing anim ding bokal (provincial board member) sa lalawigan ng Pangasinan.

Nabatid na umaabot sa P1.3 milyon ang halaga ng isang Ford Everest SUV bawat isang unit ang pagkakabili nila, samantalang ayon sa impormasyon, walang isang milyong piso ang halaga ng nasabing sasakyan sa casa, kaya maliwanag na may nangyaring anomalya sa pagbili ng naturang mga sasakyan.

Nabatid pa na hindi dumaan umano sa bidding ang mga nasabing biniling sasakyan. Pero sinabi naman ni Pangasinan Provincial Legal Council Atty. Geraldine Baniqued, kumpleto sila ng mga pirmadong papeles at dumaan sa accounting department, budget department at maging kay Vice Gov. at Pangasinan Governor Amado Espino, kaya nangangahulugang hindi pera ng mga bokal ang pinambili kundi galing sa pondo ng gobyerno.

Ayon sa mga taong-bayan at ibang mga lokal na opisyal, sayang na rin ang pondong pinambili ng mga ito na umaabot ng P20 milyon, na dapat sana ay naibahagi na lamang sa mga nangangilangan ng tulong na mamamayan, o kaya’y sa importanteng bagay na dapat paglaanan ng naturang halaga, kaysa sa pansariling kapakanan ng mga bokal.

Ayon pa sa kanila, bakit pa sila bibili ng mga sasakyan na magmumula sa kaban ng bayan, samantalang ang kanilang mga sasakyan ay mga mamahalin na at kaya naman nilang bumili ng sariling sasakyan, kung ang pag-uusapan ay pansariling sasakyan. Mabuti sana kung ang binili ng provincial government ay mga ambulansya o kaya’y mga fire truck o mga patrol car at magagamit pa ng lahat at hindi pansariling gamit lang na sasakyan.

Ang nais malaman pa ng mga taong-bayan kung kanino napunta ang sobra sa pinambili na may halagang tatlong daang libong piso kada isang Everest dahil sa tunay na presyo nito na wala pang P1 milyon.

Nabatid na 17 milyon ang kinuha sa annual budget at mahigit 5 milyong piso naman ang kinuha sa supplemental budget ng probinsiya kaya malinaw na ang pondong ginamit sa pambili ng mga sasakyan ay galing sa pondo ng gobyerno, sa halip na ipamahagi sa mga bayang nangangailangan ng tulong.

Ayon naman kay Board Member Von Mark Mendoza ng 2nd district, kailangan daw ng mga bokal ang magandang sasakyan para hindi kahiya-hiya ang isang bokal na dumalo sa isang convention at para presentable silang tignan ng mga kasama nilang mga bokal sa iba’t ibang probinsiya.

Mariing itinatago ng mga bokal kung saan nila nabiling kumpanya at kung sino ang mga negotiator sa hinihinalang maanomalyang transaksiyon sa nabanggit na probinsiya.

(Parazzi Reportorial Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.