15 Nanalong Partido Navoteño, Manunumpa kay VP Binay

KASABAY NG pagdiriwang ng ika-6 na taong anibersaryo ng Navotas City bilang isang ganap na lungsod ngayong araw ng Lunes, Hunyo 24, isang makasaysayang panunumpa sa katungkulan din ng 15 bagong halal sa serbisyo publiko sa lungsod ang magaganap alas-4 ng hapon sa Navotas Sports Complex sa pangunguna ni Vice President Jejomar C. Binay.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Navotas, magmumula sa iisang partido ang mga iluluklok na mga serbisyo-publiko mula kinatawan hanggang punong lungsod at mga konsehal.

Ito ay nagpapatunay lamang sa buong tiwala at suporta ng mga mamamayang Navoteño sa liderato ng magkapatid na Cong. Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco na maglilingkod sa nasabing mga posisyon sa pangalawang termino mula tanghali ng Hunyo 30, 2013 hanggang tanghali ng Hunyo 30, 2016.

Kasabay nilang manunumpa ang kanilang mga kapartido na sina vice mayor-elect Clint Geronimo, mga re-electionist Kon. Marielle del Rosario, Kon. Ricky Gino-gino, Kon. Tarok Maño, Kon. Richard San Juan, Kon. Boy Vicencio, nagbabalik na mga konsehal na sina Kon. Jack Santiago at Kon. Arnel Lupisan, mga bagong mukha sa konseho na sina Orlie Castro, Ethel Joy Arriola, Engr. Don de Guzman, at mga dating independiyente na sina Kon. Doc Rey Monroy at Kon. Steve Naval.

Susundan din ng isang thanksgiving concert ang nasabing seremonya kung saan maghahandog ng simpleng kasihayan ang mga uupong serbisyo-publiko ganap na alas-sais ng gabi sa parehong venue.

“Taos-puso pong nagpasalamat ang buong Partido Navoteño sa inyong patuloy na pagsuporta at pakikiisa sa layuning itaas ang antas ng buhay-Navoteño,” ani ni Mayor Tiangco.

 (MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.