14-K Katao sa Region II, apektado kay Odette

MAHIGIT SA 3,030 pamilya o katumbas ng 14,359 katao ang naapektuhan ng bagyong Odette sa malaking bahagi ng Cagayan.

Ayon kay Angelie Mercado, Information Officer ng Department of Social Welfare and Development -Region 2, nagmula ang mga ito sa mga bayan ng Aparri, Gonzaga, at Calayan Island sa Cagayan at Basco sa probinsiya ng Batanes.

Aniya ang walong pamilya na katumbas ng 20 indibidwal na unang isinailalim sa preemptive evacuation sa Brgy. Caruan, Gonzaga ay bumalik na sa kani-kanilang bahay matapos mawala ang banta ng pagbaha, habang nananatili pa ngayon sa evacuation centers ang ilan sa mga evacuees.

Dagdag pa ni Mercado na bagama’t sa Batanes nag-landfall ang bagyo, apat na pamilya o 12 individual lamang ang inilikas.

Ayon naman kay Phi-lip Labogen ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 2, maraming kabahayan sa Batanes ang winasak ng malakas na hampas ng hangin dala ng bagyong Odette.

Samantala, tiniyak naman ng DSWD na nabigyan ng mga relief goods ang mga na-pinsala ng bagyo dahil bago pa man dumating ang sama ng panahon ay nakapag-preposition na sila ng mga food pack sa iba’t ibang bayan, partikular sa mga lugar na palaging tinatamaan ng bagyo.

Binigyan din nila ng relief goods ang 38 stranded na pasahero sa mga pantalan sa Cagayan dahil ilang araw nang suspendido ang biyahe ng mga sasakyang pandagat dahil masungit ang lagay ng karagatan bunsod ng naranasang sama ng panahon.

( TONY DELA PEÑA)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.