13 Preso, Pumuga; Manhunt Ops, Pinaigting

PINAG-IBAYO PA ang manhunt operations ng mga kinauukulan sa probinsya ng Negros Occidental laban sa 13 inmates na tumakas mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Sagay City kamakailan.

Napag-alaman na sa 13 mga pumuga ay 10 sa mga ito ay nahaharap sa malalaking kaso gaya ng murder, frustrated murder at may kaugnayan sa illegal drugs.

Una rito, nakatakas ang mga ito matapos tutukan ng inmate na si Rolando Bajo, may kasong murder ang jail guard na si Jover Valenzuela gamit ang .38 caliber revolver at dinis-armahan.

Sinundan naman ito ng pagtutok ng iba pang inmate ng patalim sa isa pang guwardiya na si Francis Vallador kung kaya hindi ito nakagalaw upang tulungan ang kasama.

Pinaniniwalaan din na ang babaeng bisita ni Bajo ang nagpuslit ng baril na ginamit ng suspek.

Bago ang pangyayari, isang lecture ang isinagawa sa loob ng kulungan na dinaluhan ng 115 mga inmates ngunit sa halip na bumalik pagkatapos sa kani-kanilang selda ay lumapit ang 13 sa guwardiya at agad na ginawa ang pagdis-arma rito.

Ang mga tumakas ay kinabibilangan nina Rolando Bajo na may kasong murder, Rey Villanueva sa kasong may kinalaman sa droga, Joenard Quirante na may kasong physical injury, Eric Cordero na may kasong frustrated murder at Joemar Levester na may kasong robbery with homicide.

Samantala, nakatakas din sina Gilbert Maneja, Marjon Bandala, Richard Dacaldacal, Armando Dilao, Jimmy Vistar, Jake Española, Restey Dacaldacal at Joelito Subtinente, pawang nahaharap sa kasong murder.

Sa ngayon, nagsama-sama naman ang pwersa ng mga awtoridad, special action force ng Philippine Army at Public Safety Platoon sa pagtugis sa mga preso.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.