12 Katao, Sugatan sa Tumaob na Dyip

UMAABOT SA 12 katao ang nasugatan makaraang tumaob ang kinalulunan nilang pribadong dyip sa Brgy. Buwang, Pandan, Antique bandang alas-6:00 kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga sugatang sina Arnaldo Daroy, 71, driver ng jeep; at mga pasahero na pawang magkakamag-anak na sina Joseph Panagsagan, 44; Geraldine Panagsagan, 39; Felisa Tabas, 63; Irene Daroy, 29; Dioscorro Belinario, 16; Jet Lee Rubias, 10; Joy Lee Rubias, 16; Regine Daroy, 37; Ella Daroy, 36; Jacqueline Daroy, 41; at Jun Mhar Daroy, 17.

Dalawa sa mga ito ang nasa kritikal na kundisyon at dinala sa Aklan Provincial Hospital dahil sa matinding pinsala sa ulo at dibdib.

Sinabi ni Insp. Jose Partisala ng Pandan Police Station na patungo sana ang mga biktima sa piyesta sa Sebaste, Antique nang maganap ang insidente.

Lumalabas sa pagsisiyasat, nasiraan ng preno ang sasakyan na punung-puno ng pasahero pagsapit sa kurbadang kalsada at tsaka sumirko at tumaob.

Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga kinauukulan sa aksidente.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.