11 tricycle; 3 SUV, inararo ng mini-bus

NAGMISTULANG PINITPIT NA lata ng sardinas ang 11 traysikel at 3 SUV matapos na araruhin ang mga ito ng isang mini-bus noong Biyernes ng tanghali sa kahabaan ng National Highway, sa harap ng Candon National High School, Candon City, Ilocos Sur.

Nabatid na 12 katao ang matin-ding nasugatan sa naturang aksidente at dalawa sa mga ito ay agaw-buhay pa rin sa loob ng ospital.

Kinilala ang mga biktima na sina Dan Hazel Lodivico y Aluyen, 15, high school student, residente ng Brgy. Langlangca; Brgy. Capt. Ernesto Galano y Corpuz, 65, ng Brgy. Baybayabas, Santiago, Ilocos Sur; Marcelina Udayan y Balache, 64, ng Brgy. San Jose, Candon City; Angelo Medina y Ellorin, 5, ng Brgy. Olo-Olo Sur, Santiago, Ilocos Sur; Abner Gamoso y Gacusan, 15; Rachel Gamoso  y Manzano, 15; Justine Pascua y Sison, 15; Dave Cutin y Gabertan,12;  pawang mga high school student at residente ng Brgy. Bagar ng naturang lungsod; Daniel Gamoso y Gabertan, 32, ng Brgy. Bagar; John Mark Barandino y Villanueva, 15, high school student, residente ng Brgy. Langlangca 2nd; Ryan Langiden y Noces, 17, high school student, ng Brgy. Bagani Tocgo, Candon City.

Sa isang dosenang biktima sa naturang insidente, sina Daniel Gamoso at Dan Hazel Lodivico ay nasa bingit pa rin ng kamatayan hanggang sa ngayon dahil sa matinding pinsala ng katawan na inabot nila sa naturang aksidente.

Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang driver ng mini-bus na si Cesar Pescador y Corpuz ng Bgy. Poblacion West, Pidigan, Abra at ang konduktor nitong si Joey Piano y Corpuz ng Bgy. Ora West, Bantay, Ilocos Sur.

Base sa imbestigasyon, bandang 12:09 ng tanghali nang makita ng mga bystander sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Bagani Campo, Candon City, ang Raschel Ann Aljane Lines Mini-Bus (AV5-495) na minamaneho ni Pescador.

Napakabilis umano ng takbo nito na parang may hinahabol at nagulat na lamang umano sila nang biglang pagsasalpukin ng naturang mini-bus ang mga labing-isang nakahilerang traysikel na naghihintay ng pasahero sa harap ng Candon National High School at pati na rin ang mga paparating na sasakyan na kinabibi-langan ng Tamaraw FX (NYM-643) na pag-aari ni Sheriff Romeo Pascua; isang itim na Adventure (CRN 287) na pag-aari ni Bombo Radyo Anchorman Joselito Javier y Parado; at isang itim na Hi-Lux (AHL 770) na pag-aari ni Susan Medina y Ellorin.

Bagama’t iniulat na nasira ang sasakyan, hindi iniulat kung nasugatan sina Pascua, Javier at Medina.

Sinasabing nawalan daw ng preno ang mini-bus kung kaya’t nawalan ng  kontrol sa manibela ang driver nito kaya nangyari ang natu-rang aksidente. (ROLANDO S. GAMOSO)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.