11 Miyembro ng Frat, Naaktuhan sa Initiation Rites

HINULI NG mga awtoridad ang 11 kabataang nagsasagawa ng kanilang initiation rites na miyembro ng grupong Alpha Kappa Rho sa Brgy. Agustine Navarra Ivisan, Capiz.

Ayon kay Police Insp. William Limjuco, hepe ng Ivisan Police Station, nadatnan ng mga ito ang pagpaso sa kanang kamay ni Dieykyl Valo, 22-anyos, gamit ang sigarilyo bilang bahagi ng initiation rites ng grupo sa bulubunduking bahagi ng naturang barangay.

Maliban dito, isa pang menor de edad na babae ang isinailalim din sa nabanggit na ritwal.

Ginawa namang dahilan ng grupo na naligo lamang sila sa isang sapa malapit sa lugar.

Ang 11 mga nadakip ay kinabibilangan ng limang estudyante at anim na mga out-of-school-youth, apat ang mga kababaihan at pito ang mga kalalakihan, kung saan ang iba ay mga estudyante ng Ivisan National High School.

Kasunod nito, ipinatawag naman ng principal ng nasabing paaralan ang mga magulang ng nahuling mga kabataan.

Dahil dito, mas pinalawak pa ng pamunuan ng Ivisan PNP ang kampanya laban sa pagsasagawa ng hazing ng ilang grupo sa kanilang bayan.

Samantala, napag-alamang matapos isailalim sa medico legal ay itinurn-over naman ng mga awtoridad sa Department of Social Welfare and Development(DSWD) ang mga nahuling kabataan upang isailalim sa counselling.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.