10 metro ang layo sa police headquarters Police officer, pinatay sa loob ng photo shop

ISANG ALAGAD NG batas ang pinagbabaril at napatay ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang salarin, habang ang biktima ay nagpapa-photo copy sa loob ng photo shop sa Caloocan City, 10 metro ang layo sa kanilang opisina, noong Lunes ng gabi.

Dead on the spot si SPO1 Enrie Escalao, 44, may asawa, nakatalaga sa District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD), sanhi ng tama ng cal. 45 sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa report, bandang alas-6:00 ng gabi, nagpunta si Escalao sa Yes photo shop na matatagpuan sa # 15 Langaray St. , Dagat-Dagatan, Caloocan City para magpa-recopy ng kanyang litrato.

Ilang minuto ang lumipas, may dumating na dalawang lalaki sakay ng motorsiklo na walang plate number at huminto sa tabi ng nasabing photo shop.

Mabilis na bumaba ang isa sa mga suspek at pumasok sa Yes photo shop, saka pinagbabaril si Escalao at mabilis na tumakas.

Sa nakalap na impormasyon ng Pinoy Parazzi, vendetta ang sinasabing motibo sa pagpatay sa biktima.

Noong nakaraang buwan, kasama si SPO1 Escalao na nagresponde para arestuhin ang gun runner na si Blandino Banglasan, 35, may asawa, sa Phase 8-B, Block 62, Excess Lot, Bagong Silang, Caloocan City .

Nanlaban si Banglasan, pero naunahan ito ng bunot ng baril ni P/Supt. Bartolome Tarnate, hepe ng DSOU at napatay ang una.

Nakatakas ang kasamahan ni Banglasan na nakilala sa alyas “Ronnie” na pinaniniwalaang may kinalaman sa pagkamatay ni Escalao.

“Trinabaho ‘yang si Sarhento Escalao at inalam kung anong oras pumapasok at lumalabas ng opisina. Malamang lahat ng pulis na kasama sa operation nang mapatay si Banglasan, target ngayon,” pahayag ng isang opisyal sa NPD. (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.