1 patay, 3 Sugatan; Trak, Bumangga sa Taxi at Motorsiklo

PATAY ANG isang lalaki habang tatlo ang nasugatan sa pagbangga ng truck na may kargang buhangin sa motorsiklo at taxi sa Marcos Highway, sakop ng Barangay Cabading, Antipolo City.

Kinilala ang namatay na si Jerome Rosello, 30-anyos na taga Sta. Mesa, Maynila.

Ginagamot naman sa Amang Rodriguez Medical Center sa Marikina ang drayber ng trak na si Edwin Baluyot at ang magpinsang pahinante nito na sina Michael Henson at Jonathan Henson.

Sinabi ni Joey Marco, head ng Antipolo City Disaster Risk Reduction and Management Office na itinigil na ng rescue team ang paghahanap sa umano’y natabunan ng buhangin dahil wala nang nawawala pa sa nasabing aksidente.

Base sa inisyal na pagsisiyasat ni PO3 Renato Abalos ng Antipolo City Police, nawalan ng preno ang trak habang pababa ng Marcos Highway kaya nabangga ang likuran ng nasa unahang Padrino taxi na minamaneho ni Mark Neil Sanchez.

Tinamaan umano ng truck ang taxi sa likurang bahagi at nagtuluy-tuloy padausdos at tumama sa checkpoint ng Police Mobile Group ng Antipolo.

Dito na bumangga ang truck sa motorsiklo at naipit sa ilalim ang sakay ng motor.

Samantala, nagliyab ang trak at naapektuhan ang tatlong sakay nito na naisugod sa Amang Rodriguez Hospital.

Sa ngayon, kakasuhan ng Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Multiple Physical Injuries and Damage to Property ang drayber ng trak.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.