1 Patay, 3 Kritikal sa Pista ng Sto. Niño

NAUWI SA madugong trahedya ang ginawang pagselebra ng kapiyestahan ng Sto. Niño sa Lungsod ng Caloocan matapos pagsasaksakin at mapatay ang isang obrero ng isang ‘di pa kilalang salarin habang kritikal naman ang tatlo pa, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Agad na nasawi sa pinangyarihan ng krimen sanhi ng maraming tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Joey Raymond Domingo, 33, binata, ng Villa Imelda, Bgy. 178, Camarin ng naturang lungsod.

Inoobserbahan naman sa FEU Hospital sanhi ng tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi si Ronald Maturan, 23, may-asawa, habang nasa malubha ring kalagayan sa Quezon City General Hospital si Jomer Calzado, 21, binata, helper, kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Isang follow-up operation naman ang isinasagawa ng pulisya para sa pagkakakilanlan at ikadarakip sa suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Villa Imelda, Brgy. 178, ng nasabing lungsod.

Nabatid, nag-iinuman ang mga biktima sa naturang lugar nang makarinig ang mga ito ng kaguluhan. Unang tumayo si Domingo upang alamin ang kaguluhan.

Makalipas ang ilang minuto ay hindi pa bumabalik si Domingo kung kaya’t sinundan ito nina Maturan at Calzado hanggang sa maaktuhan nilang sinasaksak ng suspek ang una.

Dahilan upang tulungan ng mga ito si Domingo subalit sila rin ang pinagbali-ngan ng suspek na saksakin at bago pa man tumakas ang suspek ay muli nitong binalingan si Domingo at inatado ng saksak na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Isinugod naman sina Maturan at Calzado sa mga nasabing pagamutan, kung saan habang sinusulat ang ulat na ito ay kapwa nasa malubhang kalagayan.

Inaalam na ng pulisya ang motibo sa naturang krimen.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.