1 Patay; 2 Sugatan sa Naghuramentadong Kapit-bahay

PATAY ANG ISANG construction worker habang sugatan ang dalawa pa matapos pagsasaksakin ng naghuramentadong kapit-bahay, kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Hindi na umabot pang buhay sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tama ng saksak sa dibdib si Alfredo Minalawaan, 36, ng Brgy. Ugong ng nasabing lungsod.

Isinugod naman sa nasabing pagamutan sina Neria Pojarillo, 58, at anak nitong si Querino Pojarillo kapwa nagtamo ng saksak sa katawan.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Leandro Ribucas, 22, kapit-bahay ng mga biktima ng naturang lugar na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng hapon, nagwawala ang lango sa alak na si Ribucas hanggang sa makita nito ang batang Pojarillo at nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Dito, bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak si Pojarillo subalit nakita naman ito ng kanyang ina na si Neria kung kaya’t kanyang inawat ngunit siya naman itong napagbalingan ng suspek na saksakin.

Nakarating naman kay Minalawaan ang pangyayari at dito ay tumangka ring umawat hanggang siya sa pagsasaksakin rin ito na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Matapos ang insidente, tumakas ang suspek sa di-malamang direksyon habang isinugod naman ang mga biktima sa naturang pagamutan subalit si Minalawaan ay hindi na umabot pang buhay.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.