1 Patay; 2 Sugatan Nang Araruhin ng Karo ng Patay

ISA ANG namatay at dalawa ang nasugatan matapos na araruhin ng karo ng patay ang mga sasakyang nakaparada sa harap ng isang palamigan sa Midsayap, North Cotabato dakong alas-2:30 ng madaling-araw kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Anthony Alameda, habang nasugatan sina Godofredo Duterte at Ian Tizon, mga residente sa nasabing bayan.

Sinabi ni Midsayap chief of police Supt Franklin Anito na bigla lang binangga ng isang Starex funeral car na pagmamay-ari ng Pampaguenos Funeral Home Services ang mga nakaparadang mga motorsiklo at traysikad sa harap ng isang palamigan sa Quezon Avenue, Barangay Poblacion 5, Midsayap.

Mabilis namang nakatakas ang driver ng karo na nakilalang si Ian Mercader ngunit sa ‘di kalayuan sa pinangyarihan ng disgrasya ay nahulog sa kanal ang naturang karo.

Agad na naisugod sa Midsayap Community Doctors Hospital ang mga sugatang biktima ngunit dineklara ng mga doktor si Alameda na dead on arrival habang ligtas naman sina Duterte at Tizon.

Samantala, isinuko na rin ng may-ari ng punerarya si Mercader.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mga kinauukulan sa driver dahil lasing umano ito habang nagmamaneho ng karo. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.