1 Patay; 1 Sugatan sa Boga ng Pilay

PATAY ANG obrero matapos itong barilin ng isang alyas ‘Pilay’ habang sugatan naman ang isang dalaga nang tamaan ng ligaw na bala makaraang kumprontahin ng una ang suspek sa ginawang paghagis ng bato na tinamaan ang likod ng kasamahan nito kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Nasawi habang dinadala sa Pagamutang Lungsod ng Malabon sanhi ng tama ng .38 kalibre na baril sa likod ang biktimang si Alfonso Albaigas, 25, binata, ng Phase 6, Flove Homes 6, Letre, Brgy. Tonsuya, Malabon City.

Isinugod naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama na bala ng nasabing baril sa kaliwang kamay at kaliwang ulo si Jovelyn Escranda, 20, ng nasabing lugar.

Isang follow-up investigation naman ang isinasagawa ng pulisya para sa tunay na pagkakakilanlan sa suspek na nakilala lamang sa alyas ‘Pilay’ na mabilis na tumakas matapos isagawa ang krimen.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente di-kalayuan sa bahay ng mga biktima sa nabanggit na lugar.

Nabatid, unang naghagis ng bato ang suspek sa kinatatayuan ng biktima kung kaya’t gumanti rin si Albaigas sa paghagis ng bato, subali’t binato uli ang mga ito ng suspek, kung saan tinamaan ang isa sa kasama ng biktima na hindi na nakuha ang pangalan.

Dito, nagalit si Albaigas kung kaya’t nilapitan nito si Pilay at kinumpronta dahilan upang kunin ng suspek ang sukbit nitong baril at binoga ang una dahilan upang bumagsak ito sa tulay.

‘Di pa nakuntento ang suspek at bago tumakas ay nagpaputok pa at tumagos sa bahay nina Escranda at tinamaan ito habang natutulog.

Kapwa isinugod ng kanilang kaanak sa mga nabanggit na pagamutan ang mga biktima, subali’t si Albaigas ay hindi na rin umabot pang buhay sa PLM habang patuloy na inoobserbahan si Escranda sa JRMMC. (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.