1 Patay; 1 pa sugatan sa rambol

ISANG LALAKI ANG namatay habang isa pa ang nasugatan matapos na saksakin ng dalawang lasing na kalalakihan na nakaaway ng mga una kamakalawa ng madaling-araw sa Valenzuela City.

Si Mark Anthony Ramos, 28, cook at residente ng # 26 A. Pablo St., Brgy. Karuhatan ng nasabing lungsod ay hindi na umabot nang buhay sa Valenzuela City General Hospital (VCGH) sanhi ng tinamong saksak sa katawan.

Nasa ligtas namang kalagayan ang isa pang biktima na si Raymond Corullo, 25-taong gulang ng # 21 Jacinto St., Brgy. Marulas, Valenzuela City na nagtamo lamang ng mga daplis na saksak sa katawan.

Nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police habang nahaharap sa kaukulang kaso ang mga suspek na sina Ruel Manares, 28 at Michael Colico, 23, kapwa naninirahan sa Brgy. Rincon ng naturang lungsod na agad na naaresto ng mga rumespondeng pulis.

Sa pinagsamang imbestigasyon nina SPO2’s Richie Garcia at Arnold San Juan, naganap ang insidente dakong 4:45 ng madaling araw sa harapan ng Aqua Vida Water Station na matatagpuan sa kahabaan ng Governor Santiago St., Brgy. Malinta.

Ayon sa ulat ng pulisya, galing ang mga suspek sa Nightline Comedy Bar kung saan ay magdamag na uminom ang mga ito hanggang sa magkasagutan ang biktimang si Ramos na nagtatrabaho bilang cook sa naturang inuman.

Agad namang naawat ang pagsasagutan sa pagitan ni Ramos at ng dalawang suspek ngunit hindi inakala ng biktima na inaabangan pala ito ng dalawang lasing sa labas ng kanyang pinagtatrabahuhan.

Pagkakita ng mga suspek sa biktima ay agad itong pinagtulungang bugbugin at sa pagkakataong ito ay nakita naman ni Colico ang pangyayari na agad na tumulong kay Ramos.

Habang nasa kainitan ng suntukan nang biglang bumunot ng patalim ang mga suspek at pinagsasaksak ang mga biktima kung saan ay agad na tinamaan sa katawan si Ramos habang si Colico naman ay pinalad na nadaplisan lamang.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.