1 Pang Suspek sa Kidnap-Slay sa Ex-Board Member, Tiklo

ISA PANG salarin ang napasakamay na ng mga kinauukulan na nasa likod ng pagdukot sa negosyante at da-ting board member sa bayan ng Libon, Albay na si Jose Saribong.

Ito’y matapos ang isinagawang follow-up operations sa Rizal ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).

Una nang kinilala ang mga suspek na sina Mark Stanly Bang¬hulot, Teody Manghuyop, Randie Tagalogon, Roger Escropolo at si Roger Merabite.

Ang mga ito ay sangkot sa pagdukot kay Saribong noong Enero 23 kung saan sa kabila ng pagbabayad ng ransom ng pamilya nito ay pinatay pa rin saka itinapon sa bahagi ng Cogeo, Antipolo City, Rizal noong Pebrero 2.

Samantala, lumilitaw na ang dahilan ng pagpatay sa biktima ay matapos na aabot lamang sa P890,000 ang unang naipadala ng pamilya nito sa account ng isa sa mga kidnapper.

Sinabi naman ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Dante Jimenez na ang isa sa mga salarin ay nakunsensiya kaya isinumbong nito ang ilan sa kanyang mga kasamahan.

Si Saribong ay dating board member sa bayan ng Libon, Albay na sinasabing dinukot ng mga salarin noong Enero 23 sa Golden Meadows Avenue sa Brgy. Mayamot, Antipolo City.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.