1 Libong Sakong Basura, Nahakot sa Programang ‘One Day One Bay’

UMABOT SA isang libong sakong basura ang nahakot ng mga kinatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Caloocan sa ginanap na “One Day One Bay” noong Sabado (June 23) na layuning linisin ang lahat ng daluyan ng tubig sa iba’t ibang lugar.

Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa mga nagsisali sa ginanap na paglilinis ng kahabaan ng Torcillo Creek na matatagpuan sa Barangay 28, Zone 3, District 2.

Kabilang sa mga sumali sa programang ito ang mga residente ng barangay, Philippine Navy (PN), Philippine Air Force (PAF), Philippine Army (PA), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at mga tauhan ng Environmental and  Sanitation Services (ESS) ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Echiverri, umabot sa isang kilometro ang haba ng nalinis sa Torcillo Creek na tumagal ng anim na oras dahilan upang umabot sa isang libong sakong basura ang nahakot kung saan ay kinailangan pang gumamit ng backhoe sa paghakot ng mga dumi.

Sinabi pa ng alkalde, tuluy-tuloy ang gagawing paglilinis ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagtaas ng tubig-baha sa tuwing lumalakas ang buhos ng ulan na labis na nakakaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante.

Napag-alaman pa na umabot sa 244 katao ang tumulong sa ginanap na programang “One Day One Bay”, kabilang sa mga ito ang 100 mga residente ng barangay, 30 sa PN, 10 sa PAF, 20 sa PA, 9 sa BFP, 10 PNP, 50 sa ESS at 15 sa BJMP.

Matatandaan na ang programang “One Day One Bay” ay sinimulan ni DILG Secretary Jesse Robrero noong nakalipas na taon na naglalayong malinis ang lahat ng daluyan ng tubig sa buong bansa upang maiwasan ang pagbaha sa iba’t ibang lugar.

Samantala, nakiusap naman si Echiverri sa mga residente na tumulong sa pag-aalaga ng ating kalikasan dahil sa pamamagitan nito ay makatutulong ang bawat isa sa pagbibigay ng solusyon sa lumalalang problema sa global warming.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.