1 dedbol sa barkada night

NAUWI SA matinding rambulan ang ‘barkada night’ ng dalawang grupo ng kabataan, na nagresulta ng pagkasawi ng isang 17-anyos, kamakailan ng madaling-araw sa harapan ng Harbour Square sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex, sa Malate, Maynila.

Namatay dakong alas-3:28 ng madaling-araw sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktimang si Bryan De Claro, residente ng no. 1690 Pampanga St., Tondo, Maynila dahil sa tinamong saksak sa gitna ng pusod.

Naaresto naman ng mga miyembro ng Manila Police District-Station 9 ang itinuturong salarin na si Michael, 15, ng no. 573 Alfonso St., Barangay 123, Pasay City.

Lumalabas sa salaysay kay SPO2 Balinggan ng testigong si Jowie Richie Buco, kabarkada ng biktima, nag-iinuman umano sila kasama ang biktima, sa Jazz Simple Ambiance sa Harbour Square nang magtungo siya sa palikuran upang umihi.

Pagbalik sa lamesa ay sa masikip napadaan ang biktima, kaya nakiusap sa grupo ng salarin na makikiraan siya pero natapunan siya ng beer sa T-shirt na naging dahilan ng pagtatalo at suntukan ng magkabilang grupo.

Naawat naman ng bouncer ang dalawang grupo at pinalabas sa nasabing bar .

Sa labas ng bar ay muli umanong nagkasalpukan ang dalawang grupo na nauwi sa rambulan hanggang sa makita na lamang na humandusay ang biktima na duguan ang tiyan.

Samantala, iginiit naman ni Michael na hindi siya ang sumaksak kay de Claro at katunayan ay naawa umano siya kaya inabutan pa siya ng mga awtoridad na nakayakap sa biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.