1 Bagets, Patay; 2 pa, Kritikal sa 3 Lasing na Pulis

TODAS ANG isang binatilyo habang kritikal ang dalawa pa matapos pagbabarilin ng tatlong rookie cops na nakainom sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Dead on arrival sa Manila Central University sanhi ng tama ng bala sa katawan si James Pagar, 17, ng Pag-asa St., Bagong Barrio ng lungsod.

Ginagamot sa MCU sanhi ng tama ng bala sa mukha si Criss Ryan Garcia, 13 at kalugar ng nasawi.

Inoobserbahan naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si Mark Kevin Lintag, 17, ng De Jesus St., Bagong Barrio ng lungsod.

Sumuko naman sa kanyang mga kabaro sina PO1’s Jelson Eugenio at Orlan De Leon, habang tugis naman si Jeffrey Antonio.

Base sa ulat, alas-8:30 ng gabi, hinahabol ng putok ng mga suspek si Lintag sa Progreso St., Bagong Barrio ng lungsod hanggang sa maabutan sa isang tindahan.

Sunud-sunod na putok pa rin ang pinakawalan ng mga suspek kung saan nadamay si Pagar na nagpapa-load at si Garcia na bumibili ng burger sa tindahan.

Matapos ang insidente ay dinala ng mga suspek ang mga biktima sa MCU bago nag-alisan kung saan inilipat sa JRMMC si Lintag.

Nabatid na bago ang insidente ay nakitang nag-iinuman ang mga suspek sa nabanggit na lugar kung saan nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis.

Ayon pa sa report, may humingi ng tulong sa mga suspek, kung saan may samurai si Lintag dahilan upang respondehan ng mga una.

Ngunit ayon naman sa ilang mga nakasaksi sa insidente, nakita nilang hinahabol ng tatlong suspek si Lintag at nang abutan ay pinagbabaril ito hanggang sa tamaan si Pagar na naging dahilan ng maagang kamatayan nito.

(MARY H. SAPICO)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.