$1-B WB at ADB Loan, ‘Di Ipahahawak kay Lacson

TINIYAK NG Palasyo na dadaan sa mabusising proseso ang karagdagang $1 bilyong emergency loan mula sa World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) para sa recovery efforts sa mga hinagupit ng super typhoon Yolanda.

Inaprubahan na ng ADB ang $500 milyong loan facility kasunod ng WB upang mapabilis ang pagbangon ng mga biktima ng kalamidad.

Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, may umiiral na proseso para sa dadaluyan ng mga foreign loans at foreign grants para matiyak na pupunta sa dapat pagkakagastusan.

Sinabi ni Coloma na hindi mababago ang naturang proseso sa pagpasok ni dating Sen. Ping Lacson bilang rehabilitation czar na mangangasiwa lamang sa maayos na implementasyon ng Yolanda Rehabilitation Masterplan.

Maaari ring hindi na nga raw dadaan kay Lacson ang nabanggit na pondo dahil pangunahin sa kanyang trabaho ang pagtiyak na mabilis ang pagpapatayo ng mga kinakailangang istruktura.

“Meron pong mga umiiral na batas hinggil sa pinagdadaluyan ng mga pondong nakuha po natin sa pamamagitan ng foreign loans or foreign grants. Sa akin pong palagay, mananatili po iyong mga proseso na iyan. Hindi naman po kailangang tuwirang pangasiwaan ito ni Senator Lacson sapagkat meron naman pong mga umiiral na proseso,” pahayag ni Coloma Coloma.

“Ang konsepto po roon sa kanyang gawain o assignment, ay tiyakin iyong mabilis na pagsasagawa ng iba’t ibang mga programang ipinatutupad ng mga mahahalagang ahensya katulad ng Department of Public Works (and Highways) sa aspeto ng shelter and reconstruction. Lahat naman po ng pagkilos na isasagawa ay magiging coordinated; nagkakaisa naman po sa layunin. Hindi po tayo dapat na mangamba o mabahala hinggil doon sa aspeto ng inter-departmental o inter-agency coordination dahil nagkakaisa naman po ang buong Gabinete at todo po ang suporta sa programa ng Pangulo, na tiyakin iyong agarang rehabilitasyon sa mga nasalanta ng kalamidad.”

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.