“Palit-ulo”

SIMULA NOONG LUNES, February 21, napapanood na ang WANTED SA RADYO sa Aksyon TV sa Channel 41 – na isang free channel. Para sa mga tagasubaybay ng WSR na mapapagawi sa malalayong probinsiya na hindi na naaabot ng signal ng 92.3 FM, mapapakinggan n’yo na kami at mapapanood na rin sa telebisyon sa pamamagitan ng Channel 41.

At doon naman sa mga mangingibang bansa, mapapakinggan pa rin ang WSR sa pamamagitan ng website ng Radyo 5 na  http://radyosingko.news5.ph/ Ang WSR ay umi-ere tuwing 2:00 – 4:00 p.m., Lunes hanggang Biyernes.

NAKIKISIMPATIYA ANG INYONG SHOOTING RANGE sa mga kaanak ng tatlong OFW na nahatulan ng bitay ng Chinese court dahil sa umano’y pagtangkang pagpuslit ng mga ito ng kilu-kilong droga papasok ng nasabing bansa.

Naiintindihan ko rin ang ginagawa ng ating pamahalaan na kinakausap ang Chinese government sa pamamagitan ng diplomatic channels para huwag nang ituloy ang sentensiyang bitay sa tatlo at gawin na lamang life imprisonment. Tungkulin naman talaga ng gobyerno ng ano pa mang bansa na tulungan ang kanilang mga mamamayan na naiipit sa ibang bayan.

Pero hindi ako sang-ayon na ipagpipilitan ng ating gobyerno – sa ngalan ng high popularity ratings – na ipairal ang ating criminal justice system sa China para maisalba lamang ang tatlong drug courier na nasentensiyahan ng kamatayan doon.

Lumilitaw kasi ngayon, sa ginagawa ng ating pamahalaan, na pinapakialaman natin ang batas ng Tsina na kung saan sentensiyang bitay ang hatol sa mga nahuhuling drug traffickers.

Ang masaklap pa, nalalagay ngayon sa alanganin ang libu-libo nating mga OFW – lalo na iyong mga tinatawag na undocumented workers – sa Taiwan dahil sa tangkang “pakikipagpalit-ulo” ng ating gobyerno sa 14 Taiwanese citizens na idineport sa China, sa halip na sa Taiwan, kapalit ng tatlong bibitaying OFW sa China.

Hindi man aaminin ito ng ating gobyerno, pero ito ang totoong nangyaring sitwasyon. Ngayon, hindi lamang ang mga OFW na nasa Taiwan ang nalalagay sa peligro kundi maging ang mga kababayan natin na may balak pa lamang na magtrabaho sa Taiwan.

Kung gagamitan natin ng simple arithmetic ang sitwasyon; three doesn’t equal to thousands.

Hindi ko na tatalakayin pa ang dahilan kung bakit pumayag na maengganyo ng mga drug syndicates ang tatlong convicted drug traffickers nating mga OFW sa China para ipuslit ang bultu-bultong droga papasok ng bansang komunista na alam naman nila ang parusa kapag sila ay nahuli.

Ngunit nais ko lamang ipaalala sa mga henyong opisyales ng P-Noy government na ang tatlong kanilang ipinaglalaban na death row convicts ay maituturing na mga drug pushers dito sa Pilipinas. Nagagalit tayo dahil sa lumalalang problema ng droga sa ating bansa dala ng pagdami ng mga tulak, ngayon, kinakatigan natin ang mga kababayan natin na nahuling nagtutulak ng droga sa ibang bayan.

Parang sinasabi natin na okay lang na magtulak ang mga Pilipino ng droga sa ibang bayan, at tutulungan natin sila, basta huwag lang dito sa Pilipinas.

Bakit hindi na lang pag-aksayahan ng panahon ng ating gobyerno ang daan-daang mga OFW na nakapiit ngayon sa death row ng iba’t ibang bansa dahil napatay nila ang kanilang amo na nagtangkang manggahasa sa kanila. Mas makabuluhan pa siguro ito.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.