“Bilyaran Trial Court”

LINGID SA KAALAMAN ng karamihan, marami sa ating mga kababayan ang nakakulong ngayon sa iba’t ibang piitan na ang tanging kasalanan lamang nila ay sapagkat sila’y mahirap at nagkataon din na ang pulis na umaresto at ang piskal na nag-inquest sa kanila ay pawang mga matapobreng pulpol.

Isang maliwanag na halimbawa ay ang kaso ng taxi driver na si Jerry Entrina. Noong December 22, 2010 ng madaling-araw, habang binabagtas niya ang parte ng Balintawak sa Quezon City, pinara siya ng apat na katao – isang babae at tatlong lalaki.

Dahil maayos naman ang kasuotan ng grupo at may kasama rin itong babae, hindi akalain ni Jerry na may masamang binabalak pala ang mga ito. Nagpahatid ang apat sa Valenzuela at pagdating sa isang madilim na lugar, biglang tinutukan nila si Jerry at nag-anunsiyo ng holdap.

Hindi nakapalag ang taxi driver at ginawa nito ang lahat ng iniutos sa kanya. Pagkatapos maibigay ni Jerry ang kanyang kinita, wallet at cellphone, pinaghubad siya at tanging karsunsilyo lamang ang naiwang saplot sa kanyang katawan.

Kasunod noon, pinababa siya sa isang madilim na lugar. Nang humarurot na ang taxi, tumatakbo at nagsisisigaw si Jerry para humingi ng saklolo nang naka-brief lamang. Natiyempuhan siya ng mga rumorondang tanod at tinulungan.

Agad siyang nagpa-blotter sa barangay at tumawag sa kanyang operator. Pagkatapos noon ay dumiretso rin siya sa pinakamalapit na police station ngunit sinabihan siyang hindi dapat doon magreklamo dahil hindi sakop ng nasabing presinto ang lugar kung saan nagdeklara ng holdap ang grupo. At iyon ay sa kabilang presinto dapat.

Sinabi ng operator kay Jerry na umuwi na muna at bukas na lang sila magpa-blotter. Kinabukasan, kasama ang kanyang operator at isa pang tao – na nakilalang kamag-anak ng operator, pumunta sila sa presinto.

Sa halip na ipa-blotter ang insidente, hiniling ng kanyang operator sa imbestigador na si PO3 Ronaldo Ruiz na ikulong si Jerry sa kasong carnapping. Nakita raw kasi ng kamag-anak ng operator na inabot umano ni Jerry sa isang tao ang susi at kapalit noon ay inabutan daw siya ng isang envelope.

Wala nang ginawang pag-iimbestiga si Ruiz kay Jerry. Hindi na rin tinawagan ng pulis ang mga tanod na sumaklolo kay Jerry. Agad na idiniretso ni Ruiz si Jerry sa kalaboso. Pagkatapos noon, napansin ni Jerry na pumasok sa isang kuwarto ang pulis at operator at nag-usap doon nang matagal.

Makalipas ang maraming oras, kinagabihan, iniharap ng pulis si Jerry kay Fiscal Eriberto Aricheta para sa isang inquest proceeding sa loob ng isang bilyaran.

Mga segundo lamang ang itinagal ng pag-inquest. Nang makita ni Aricheta si Jerry, sinabi umano nito na “ikaw iyong carnapper”. Mabilis na sumagot si Jerry ng “hindi po”. Ngunit parang walang narinig, agad na pi-nirmahan ni piskal ang complaint sheet at ipinabalik si Jerry sa kalaboso. Ang piyansa ay ipinataw sa halagang P35,000.

Ibinenta ng misis ni Jerry ang kanilang bahay sa halagang P50,000 upang makapagpiyansa sa kanyang mister.

Napag-alaman ng inyong SHOOTING RANGE mula mismo kay Ruiz na madalas silang magpa-inquest ng mga suspek sa loob ng nasabing bilyaran.

Panoorin ang WANTED sa TV5 mamayang gabi, pagkatapos ng Aksyon Journalismo.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.