“Asong ulol”

SI PO2 GEOFFREY Borromeo ng Manila Police District (MPD) Traffic ay isang matibay na ehemplo kung bakit marami sa mga mamamayan ang nawawalan na ng tiwala at respeto sa kapulisan. Si Borromeo ay isang sertipikadong tarantado. Noong October 17, Linggo, bandang 6:00 p.m., nagbaba ng pasahero ang jeepney driver na si Ismael Maliza sa Quiapo. At habang hinihintay niya ang isang mabagal at matandang pasaherong sumasakay sa kanyang jeep, sinenyasan siya ni PO2 Borromeo sa ‘di kalayuan.

Marahil, inakala ni Borromeo na hindi sinusunod ni Ismael ang kanyang pagsenyas kaya nang lapitan niya ito, walang sabi-sabi, agad niyang sinampal si Ismael at pinagmumura. Hindi pa nakuntento, umikot si Borromeo sa passenger side at sumampa. Nang makapuwesto, pinagsusuntok niya si Ismael sa tagiliran, dibdib at tiyan. Sa puntong iyon, animo’ y nagdilim na ang paningin ni Borromeo at nagmistula na itong asong-ulol. Inutusan niya si Ismael na bumaba ng jeep. Nang makababa na si Ismael, tinutukan niya ito ng baril at tinadtad ng malulutong na mura. Todo-todong pagmamakaawa ng jeepney driver sa pulis at paghingi ng dispensa kung anuman ang kanyang naging kasalanan. Ngunit hindi ito alintana ng pulis.

Nang mapansin ni Ismael na nanlilisik na ang mga mata ni Borromeo habang nakatutok ang baril nito sa kanya – sa takot na baka ito’ y pumutok, kumaripas siya patungo sa kanyang jeep. Ngunit hinabol siya ni Borromeo. At nang maabutan, pinukpok ni Borromeo ang ulo ni Ismael gamit ang kanyang baril. Habang namimilipit sa sakit si Ismael sa pagkapalo sa kanyang ulo, sinamantala naman ng pulis ang pagkakataong iyon para posasan ang kanyang biktima. Nang maposasan na si Ismael, kinaladkad siya ni Borromeo patungo sa kanyang motor para isakay. Ngunit sa bandang huli, inutusan na lang ni Borromeo si Ismael na imaneho ang kanyang jeep.

Habang nagmamaneho si Ismael, nakaposas ang kanyang kaliwang kamay sa manibela at nasa tabi niya si Borromeo. Dumiretso sila sa Jose Reyes Memorial Hospital at doon, inutusan ng pulis ang kanyang biktima na sabihin sa doktor na wala siyang nararamdaman. Sa takot, sumunod si Ismael.

Pagkatapos sa ospital, dumiretso ang dalawa sa presinto tres. Pagdating doon, tinakot siya ng desk officer na ikukulong at kinagalitan na rin. Ngunit hindi naglaon, animo’ y biglang bumalik sa katinuan ang pag-iisip ni Borromeo at naging mahinahon na ito. Tinanong niya si Ismael kung may mga anak ba ito. Kahit na wala, sinabi ni Ismael na mayroon para siya ay kaawaan at agad na pakawalan.

Sa puntong iyon, bumunot ng P200 si Borromeo at iniabot ito kay Ismael para raw pasalubong sa kanyang mga anak. Hindi tinanggap ni Ismael ang suhol na pera ni Borromeo. Ngunit bago niya pinakawalan si Ismael, pinapirma ni Borromeo ito sa isang papel kung saan nagsasaad na siya ay hindi magrereklamo at hindi siya sinaktan.

Nang dumulog si Ismael sa WANTED SA RADYO (WSR), bakas ang mga sugat at pasa sa kanyang ulo, kamay, tagiliran at dibdib. Dala rin niya ang isang medical certificate mula sa ibang ospital na magpapatunay na siya ay minaltrato.

Gagawin ng WSR ang lahat upang pagbayaran ni Borromeo ang ginawa niyang paglapastangan sa pobreng si Ismael.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

2 thoughts on ““Asong ulol”

  1. Sana ituloy kaso para magkarecord forever ang ulol na pulis nato. Sana po subaybayan nyo Sir Raffy, kasi next step ni hudas, tatakutin si pobreng driver o di kayay aaregluhin at worst..isasalvage. omg

Leave a Reply

Your email address will not be published.