‘Palakasan’ sa Caloocan, kinondena

KINONDENA NG MGA dismayado at nagagalit nang mga lider ng mga barangay sa lungsod ng Caloocan ang tinawag nilang ‘palakasan system’ na matagal na umanong pinapairal ni Mayor Enrico ‘Recom’ Echiverri.

Sa isinagawang panayam ng Pinoy Parazzi, inireklamo ng mga kapitan na pinipili ni Echiverri ang mga chairman na dapat tulungan o mabiyayaan ng  benepisyo na ibinibigay ng lokal na pamahalaan.

Anila, kailangan ay maging sipsip sa alkalde at aayon sa mga nais at kapritso ng alkalde kahit pa lumalabag na umano sa umiiral na polisiya ng barangay na itinatadhana at isinasaad ng Local Government Code.

Karamihan sa mga kinakawawa umano ng administrasyong Echiverri ay mga kapitan na may prinsipiyo na tumutupad lang sa tungkulin, subali’t nakakainitan dahil ayaw sumunod sa gusto ng alkalde.

Ginawa nilang halimbawa ang pang-iipit umano sa kanilang Internal Revenue allotment (IRA) na ayon sa batas ay dapat nilang matanggap ‘quarterly’ ayon sa itinatadhana ng umiiral na batas ng LGU code.

Giit ng mga nagre-

reklamong kapitan, hindi nila natatanggap nang regular ang kanilang IRA mula sa Caloocan government, ang iba anila ay ilang taon nang walang nakukuha o natatanggap na IRA share.

Ipinapaabot naman umano nila ang kanilang hinaing tungkol sa IRA subali’t ‘di sila pinapansin ni Echiverri. Nguni’t ang mga kapitan na sipsip ay kaagad daw ipinapa-release ng punong lungsod.

Wala sila umanong malapitan para idaing ang kanilang problema kundi ang media. Nilapitan din umano nila si dating Vice Mayor Tito Varela noong kanyang kapanahunan, subali’t hindi sila natulungan.

Ayon sa kanila, nagtangka noon si Varela na kausapin si Echiverri tungkol sa kanilang IRA problem, subali’t wala naman umanong nagawa ang dating pangalawang alkalde sa kanilang reklamo.

Dumaing na rin sila kay Vice Mayor Egay Erice na kaagad namang umaksiyon, subali’t iyon pa ang naging dahilan para magalit umano si Echiverri at ngayon ay ginigipit na rin si Erice.

“Wala na kaming magawa kundi magsumbong sa media. Tama na, sobra na ang ginagawa ni Echiverri sa mga kapitan na lumalaban sa bulok na style ng pamamahala ng kasalukuyang pamunuan ng Caloocan,” giit nila sa Pinoy Parazzi.

“Lumapit na rin, anila, kami sa iba’t ibang diyaryo, pero ‘di naman pinapansin ang aming sumbong. Malakas si Echiverri sa maraming pahayagan, bakit kaya?” komento nila sa pahayagang ito.

Bukod sa IRA, ang iba pang benepisyo ng kanilang barangay tulad ng mga proyekto o programa ay ipinagkakait umano sa kanila ni Echiverri at ng kanyang anak na si Liga National President Ricojudge Echiverri.

Inakusahan nila si Echiverri at anak na si Ricojudge na ginagamit ang resources ng city government para sa kanilang pansariling interes, lalo na si Ricojudge na sinusungkit ang pagka-alkalde sa susunod na halalan.

“Tama na, putulin na ang walang-kuwentang pamamahala ng mga Echiverri,” sigaw ng mga nagrereklamong mga kapitan.     (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.