‘Pag pulitiko na, marunong nang mandaya!

WRONG MESSAGE ANG gustong ipahatid ni P-Noy sa sinasabi niyang pagligtas sa limang kababayan nating sangkot sa drug trafficking.

Ang hindi pagpapadalo ng kinatawan ng bansa sa Norway para sa Chinese awardee ng Nobel Peace Prize ang sinasabi ni Noynoy na bargaining chips natin para masagip ang mga Pinoy na nasa death row matapos masakote sa pagtutulak ng illegal drugs.

Wala tayong planong maghudas laban sa ating mga kababayan. Pero dapat nating ikunsidera ang pagkakasala ng mga taong ito.

Kalaban ng bansa at ng buong mundo ang drugs dahil ito ang pinagmumulan ng maraming transnational crimes.

May mga kasong puwedeng gamitan ng diplomatic instinct, subalit ang drug trafficking ay hindi kasama rito.

Kailanman, hindi dapat manghimasok ang gobyerno ng Pilipinas sa ganitong mga kaso.

Ang obligasyon ng Philippine government ay tiyaking nairerespeto ang kanilang mga karapatan bilang mga akusado sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga kinatawan ng embahada o consular offices.

After conviction, dapat ay labas na tayo sa kaso dahil unang-una, sila ang gumawa ng kanilang kapalaran.

Idinayo pa nila sa ibang bansa ang pagiging criminal nila!

Puro sablay talaga ang mga advisers ni Noynoy!

MAG-INGAT TAYO SA pagbili ng mga tinapay at noodles.

Isang higanteng pabrika ng arina sa Valenzuela City ang ni-raid ng PNP-CIDG nito lamang nakaraang linggo.

Matindi ang natuklasan ng Food and Drugs Administration dahil ang mga end products na gina-gamitn ng arina mula sa pabrika ay hindi pala dapat makain ng tao.

Ang bulto ng supply ay dinadala sa Bicol pero marami rin dito sa Metro Manila ang naikalat.

Malaking pananagutan ang dapat ipataw sa balikat ni Mayor Sherwin Gatchalian dahil matagal na pala ang operasyon ng pabrikang ito.

Nilalason na ang marami nating kababayan, busy pa rin sa panliligaw si Mayor Win.

MAYOR NA ANG target nina Caloocan City Congresswoman Mitch Caja-yon at Congressman Oscar Malapitan sa 2013.

Matinding labanan ang nakaungaong sa mga taga-Caloocan dahil last term na rin si Recom.

Ang problema lamang nina Cajayon at Malapitan, baka ikandidato ni Recom ang anak niya dahil alam mo naman ang mga pulitiko, bago umalis sa puwesto, maglalagay muna ng sariling tao para may magbabantay sa kanyang upuan sa sandaling magplanong bumalik.

LUMIIT BIGLA ANG binayarang buwis ni Pacman.

Mula sa dating mahigit P50 million, biglang naging P7 milyon na lang ang kanyang tax payment.

Sabi ng BIR, wala namang nagbago sa sistema, dalawa pa rin ang average na laban ni Pacman sa loob ng isang taon kaya matindi ang kanilang pagtataka sa nangyari.

Ang hindi alam ni BIR Commissioner Kim Henares, hindi na lang boxer ngayon si Manny. Isa na siyang kongresista.

Sa dami ng kaklase niya sa kongreso na magtuturo sa kanya kung paano dukturin ang tax, magtataka pa ba naman kayo.

Hindi ba’t dati rin si Vilma Santos ay highest tax payer din noong actress pa lang?

Nang maging governor at mapangasawa pa ng pulitiko, hayun, hindi mo na mahagilap ang pangalan sa top tax payers.

Ganyan talaga, kapag pulitiko na, marunong nang mandaya!

Commissioner, hintayin mo pang maging mayor na ng Pasay si Sharon Cuneta, tingnan natin kung ganoon pa rin kalaki ang babayaran niyang buwis!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.