‘Pag money claims, sa NLRC ang sampa

 

NAGTRABAHO PO AKO sa Hong Kong nang halos dalawang taon. Ngunit hindi ibinigay sa akin ang suweldo ko sa loob ng anim na buwan. Ngayong nasa Pilipinas na ako, saang ahensiya po ako puwedeng lumapit para makapagsampa ng kaso laban sa employer at ahensiya ko? Sa POEA po ba o sa OWWA? Kailangan ko na po ba agad ang abogado? Sino po ang dapat kong idemanda—ang employer ko o ang ahensiya? Paano po kung wala nang ibayad ang ahensiya pagkatapos ng kasuhan, ano pa po ang habol ko? —Nida ng Tiaong, Quezon

 

‘PAG ANG ASUNTO mo ay may kinalaman sa money claims o anupamang bagay na may kinalaman sa usaping pananalapi o benepisyo na hindi naibigay sa iyo ng employer, ang kaso ay dapat mong isampa sa National Labor Relations Commission. Dito ay may mga arbiter na haharap at didinig sa kaso mo. Kahit wala ka pang abogado, magtungo ka sa pinakamalapit na tanggapan ng NLRC at doo’y may mga form na ipi-fill up mo lamang para maisampa ang kaso.

Ayon sa batas, ang employer at ang ahensiya ay may pananagutang “joint and several”. Kaya pareho mo silang isabit sa kaso. Makalusot man ang isa, mahahabol mo pa ang isa.

Madalas ngang mangyari na bago matapos ang asunto ay naubos na o lugi na ang ahensiya at wala nang maibabayad sa iyo kung mabigyan ka ng award ng NLRC. Kapag ganito ang nangyari, maaaring ipambayad sa iyo ang performance bond na inilagak ng ahensiya noong siya ay nag-aaplay pa lang ng lisensiya sa POEA. Hindi ito magagalaw o mawi-withdraw ng ahensiya habang may naka-pending na kaso laban dito.

Ang problema ay kung hindi lisensiyado o illegal ang ahensiya. Malamang ay wala itong bond kaya’t ang hahabulin mo na lang ay ang mga ari-arian ng mga taong nambiktima sa iyo.

 

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users) E-mail: omecandazo@yahoo.com.

Ayuda sa OFW
By Ome Candazo

loading...

One thought on “‘Pag money claims, sa NLRC ang sampa

Leave a Reply

Your email address will not be published.