‘Caterpillar’ sa Perya, Nadiskaril; 1 Patay, 9 Sugatan

DUROG ANG BUNGO at nagkabali-bali pa ang mga buto ng katawan ng isang lalaki habang siyam na katao pa ang malubhang nasugatan kabilang ang dalawang batang babae nang madiskaril ang isang caterpillar ride sa loob ng isang peryahan sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Kaagad na namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Niel Rafols, 41, bantay-bayan, at residente ng 68 Santan St., Simeon Doon, Karuhatan ng nabanggit na lungsod, matapos madaganan ng caterpillar ang ulo nito.

Agaran namang dinala sa sa Jose Reyes Memorial Hospital si Emelita Abella, 25, matapos mabali ang kaliwang paa at labis na pinsala sa leeg; at mga pamangkin na sina Ryza Villacuses, 4; nabali ang kanang hita, mga sugat sa mukha; at Rhian Villacuses, 2, na nagtamo ng maraming sugat sa katawan at mukha.

Isinugod din sa Valenzuela City Medical Center ang iba pang biktima na sina Erwin Rosario, 17; Ronel Lazaro, 17; Dino Caramales, 13; Ruben Pagal,14, mga residente ng Dulong Tangke, Malinta; at Jerry Gutierrez, 22, ng BSOP Bible St., Karuhatan.

Sinampahan ng mga kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide, Reckless Imprudence Resulting to Physical Injuries at Reckless Imprudence in Relation to R.A. 7610 (7 counts) ang nadakip na mga peryante na sina Milan Lancian, 17; Adzmer Manuel,17; Delia Vantera, 52; at ang nakatakas na sina Arnel Cudia, operator ng peryahan; at isang alyas “Machete” na nanga-ngasiwa sa mga rides.

Base sa ulat nina SPO2 Ronald Bautista, SPO1 Alexander Manalo, PO2’s Valmark Funelas at Laerma Sarmiento, dakong alas-9:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa mini-carnibal na matatagpuan sa kahabaan ng Mac Arthur Highway, Karuhatan, Valenzuela City.

Napag-alaman na magkakasabay na sumakay sa caterpillar sina Rafols, Abella at magkapatid na Villacuses.

Sa puntong ito, aksidenteng natanggal ang turnilyo ng caterpillar at tumaob ito mula sa itaas na ikinasawi ng lalaki.

Umikot pa ng umikot ang sasakyan na naging dahilan upang mahagip at masugatan ang iba pang mga biktima na nanonood lang.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.