“PD RECAFORTE EXEMPTED SA 1-STRIKE POLICY” JUETENG SA BAGUIO, PANGASINAN, TALAMAK

SA KABILA NG katatapos pa lang na imbestigasyon ng Senado hinggil sa talamak na operasyon ng iligal na sugal sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, muli na namang umalagwa ang operasyon ng Jueteng sa lalawigan ng Pangasinan at Baguio City.

Ang impormasyong ito na ipinaabot sa Pinoy Parazzi ay kinumpirma mismo ng isang lokal na opisyal kung saan ay naghinala pa ito na “exempted” umano si Pangasinan PNP Provincial Director Recaforte sa one-strike policy ni PNP Chief Dir. General Raul Bacalzo.

Ayon sa ulat, sa Pangasinan ay isang Ric Ordona ang nagbigay ng go signal para sa operasyon ng isang Boy Bata sa Binmalay, Lingayen, Bugallon, Dagupan City at San Fabian. Si Alyas Lito Millora naman diumano sa Bayambang, Malasugui, Mangaldan, Manaog at Mapandan.

Idinagdag pa ng source na ang buong 5th district ay hawak umano ngayon ni Anthony Ang Co, samantalang isang Marlon naman ang may hawak sa 6th district.

Tiniyak din ng impormante na ang may hawak naman ng jueteng ngayon sa Aguilar, Mangatarem, Urbistondo at Basista ay si Raoul Sison, samantalang alyas Bebot Villar naman ang nagpapa-Jueteng sa Villasis, Sto. Tomas, Alcala, Bautista at Carmen.

Dahil sa nasabing malaganap na operasyon ng Jueteng sa lalawigan ng Pangasinan, kung saan wala nang sinasantong lugar ng pagpapataya na maging sa harapan ng simbahan ay talamak, ilang pari sa nasabing lalawigan ang nagpahayag na wala na umano silang bilib sa tinatawag ni General Bacalzo na “one-strike policy”.

“Kung totoo ‘yang policy na ‘yan ni PNP Chief, bakit hindi nangyayari rito sa Pangasinan? Ibig bang sabihin ay exempted si PD Recaforte sa patakarang ‘yan?” pahayag pa ng nasabing pari.

Sa kaugnay na balita, muli namang namayagpag sa Baguio City ang Jueteng ng isang kilalang gambling queen na si Luding.

Ang ipinangangalandakan umano ni Luding ay dapat hulihin daw muna ang talamak na Jueteng sa Pangasinan bago pakialaman ang iligal na sugal sa Baguio City.

Dahil dito, muling nananawagan ang mga mamamayan sa nabanggit na mga lugar na kung maaari raw ay ipakita naman ni PNP Chief Dir. Gen. Bacalzo na hindi ningas-kugon lamang ang kanyang mga patakaran laban sa iligal na sugal.

(Parazzi Investigative Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.