“MIDNIGHT INVITATION”

MIDNIGHT APPOINTMENT ang tawag sa mga pag-a-appoint o paglalagay ng opisyal/ empleyado sa isang posisyon sa panahong ito ay saklaw na sa ipinagbabawal ng mga batas na pinaiiral sa panahon ng halalan.

Kaya nga mariing kinukundena ni P-Noy ang “midnight appointments”.

Dahil ang bagay na ito ay maliwanag na labag sa batas.

Pero meron pang isang “midnight” na maliwanag ding iligal.

Ngunit ang bagay na ito ay paboritong gawin dito mismo sa Kamaynilaan.

Madalas itong laman ng mga pahayagan.

Na mistulang pinupuri pa ang may gawa nito.

Ang masakit, parekoy, ang bagay na ito ay ginagawa nang lantaran dito sa sentro ng Pilipinas.

Ibig sabihin, ang maliwanag na paglabag na ito sa karapatang pantao ay talamak na ginagawa sa dulo lamang ng tungki ng ating Commission on Human Rights.

Sa police parlance ay tinatawag itong “sona”.

Ito, parekoy, yaong mga ginagawa ng ating kapulisan sa hatinggabi, kung saan bigla silang susulpot sa isang squatters’ area.

Pagdating sa lugar ay walang pakundangan kung gisingin nila ang mga tao.

Dadalhin sa plaza o isang malawak na lugar at doon iipunin ang kalalakihan.

Ang lahat ng may tatoo ay ibubukod at dadalhin sa presinto.

At doon, kapag napatunayan ni “parekoy” na bagamat mayroon siyang tatoo sa katawan, pero wala naman siyang masamang rekord ay saka pa lamang siya pauuwiin ng mga pulis.

Kinabukasan, parekoy, lalabas sa mga pahayagan na ang mga taong ito ay inimbitahan lamang ng mga pulis.

At papupurihan pa ang mga pulis dahil sa pagsasagawa ng nasabing “imbitasyon” ay mayroong mga wanted na nasakote.

Tangna naman, parekoy, sa dulo ng tungki ng CHR ay ginagago tayo.

Imbitasyon pa bang matatawag ‘yan?

Demonyong buhay ito, natutulog ang mga tao, hatinggabi, walang “search warrant” tapos bigla kang bubulahawin sa iyong pamamahinga!

At sasabihin pang imbitasyon?

Saan ka nakakita ng imbitasyon na hindi maaaring tumanggi?

“At gun-point” ‘ika nga ay ilalabas ka ng bahay mo, dadalhin sa presinto, tapos sasabihing imbitasyon?

Doon nga ninyo gawin sa malalaking subdivision ‘yang istayl ng imbitasyon ninyo?

Tingnan ko lang, parekoy, kung hindi tadtad na sila ng asunto bago pa man sumikat ang araw!

Maliwanag, parekoy, na iligal ‘yang “midnight invitation” na ‘yan, at kung bakit paboritong gawin ng kapulisan (kasama pa nga minsan si meyor) doon sa mga squatters’ area… dahil kakaunti lang doon ang nakaaalam ng batas.

At kung may alam man, wala namang sapat na perang panlaban sa asunto!

Kaya nga, parekoy, inaanyayahan natin ang CHR na tulungan itong mga mahihirap na madalas biktimahin ng “midnight invitation”.

Ang justification, parekoy, ng mga pulis ay kanlungan daw ng masasamang-loob ang squatters’ area.

Tangna ninyo! Kamakailan lamang ay napaulat na ilang ninakaw na mga sasakyan ang natagpuan sa parking lot ng isang condominium!

Ilang kidnap victim na rin at malalaking bulto ng droga ang narekober sa mga subdivision!

Tinitiyak ko sa inyo, ang kasamaan ng mahihirap ay sentimo lamang kung ikukumpara sa kademonyuhan ng mayayaman.

Piryud!!!

INAANYAYAHAN ko po kayong makinig sa aking programa sa radyo tuwing 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes, sa DZME 1530kHz (dulong-kanan sa inyong talapihitan).

Ang programa ng inyong lingkod “ALARMA Kinse Treynta” ay maaari rin po ninyong mapanood sa internet sa ganu’n ding oras.

Mag-log-on lamang sa www.dzme1530.com

Target

ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.