‘Triple Your Money Scam’ 2 African, timbog sa entrapment

HINDI NA NAGAWANG makatakas pa ng dalawang African, habang nasa loob ng isang fastfood chain sa Brgy. Cutcut sa bayan ng Pulilan sa Bulacan, kung saan isinagawa ang isang entrapment operation, kamakailan.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Fitz Macariola kay PNP Provincial Director P/SSupt. Fernando Mendez, Jr., kinilala ang nadakip na sina Kolbah Miltah @ William, 35 anyos, may-asawang Pinay sa Calbayog, Samar; at Eric Jordan @ Derrick, 33 anyos, tubong-Liberia, Africa.

Samantalang ang mga biktima naman ay nakilalang sina Elenita Capistrano, 45 anyos, ng Brgy. Sulucan Angat; at tiyahin nitong si Emerenciana Canuso, 62 anyos, ng Brgy. Tibagan Bustos, kapwa negosyante sa mga nabanggit na lugar.

Base sa inisyal na im-bestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-5 ng hapon nang makipagkasundo ang magtiyahin na magbibigay ang mga ito ng halagang US$10,000.00 sa dalawang suspek, kung saan ala-1 pa lamang ng hapon nang ilatag ang entrapment laban sa mga suspek.

Ayon sa dalawang biktima, sa una nilang pag-uusap kumbinsido ang mga ito na ang US$100.00 nilang pera ay magiging triple sa pamamagitan ng mga chemicals na ilalagay sa mga kulay itim na papel, kabilang na rito ang gawgaw na ipinapahid sa papel. Makalipas ang 10 oras, magiging tatlo na ang kanilang ibinigay na pera.

Tiwala ang mag-tiyahin dahil malinis na naipakita ng dalawang suspek kung paano gawing tatlo ang kanilang isang US$100.00 kaya sa ikalawang pagkakataon, muling humingi ng pera na dolyar ang mga suspek kung saan ibinigay naman ang hiningi na umabot sa US$ 17,400.00.

At sa ikatlong pagkakataon, nagduda na ang mga biktima na raket ang trabaho ng mga suspek dahil sa laki ang pera na kanilang ibinigay na umabot sa P1.7-M, walang bumalik na dolyar sa kanilang dalawa, kaya nagsumbong na sila sa mga pulis.

Kaugnay nito pormal na sinampahan ng kaso ang dalawa sa Bulacan Procecutor’s Office ng Syndicated Estafa, habang detenido ngayon ang mga suspek sa Camp Alejo Detention cell.             (TONY DELA PEÑA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.