‘NBI’ Agent, Arestado sa Loob ng City Jail

ARESTADO ANG ISANG lalaki na nagpakilalang isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos itong mahulihan ng baril makaraang dalawin ang kanyang kaibigan sa City Jail sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Illegal possession of firearms at paglabag sa Omnibus Election Code (gun ban) ang kinakaharap na asunto ni Rico Selerio, 42, residente ng R393 J. Libo St., Brgy. Malanday ng nabanggit na lungsod.

Sa panayam kay JO1 Adonis Pagtabunan ng Valenzuela City Jail na matatagpuan sa Maysan Road, bandang alas-11:45 ng umaga, pumasok sa naturang piitan si Selerio upang dalawin ang kaibigang si Amado Candelaria na nakulong sa kasong Violation of B.P. 6.

Iniwan ni Selerio ang bag na may lamang baril saka nagpakilalang ahente ng NBI.

Dito ay nagduda si JO1 Pagtabunan kay Selerio kaya tumawag ito ng pulis para imbestigahan ang suspek.

Ilang sandali ang lumipas, rumesponde sina SPO2 Willie Mayores at PO2 Jonathan Dinauto ng Station Investigation Unit ng Valenzuela Police at inanyayahan sa presinto si Selerio at dito napag-alamang hindi siya ahente ng NBI, bagkus isa lang itong AWOL na guwardiya sa loob ng opisina.

Maging ang cal. 38 na dalang baril ng suspek na may serial no. (D485048) ay hindi pala nito isinauli sa NBI.

Gayundin ang mga identification card ni Selerio ay expired na rin na pirmado pa ni dating NBI Director Atty. Nestor Mantaring.

Nagpalabas na rin ng certification ang NBI na nakasaad na noong Enero 2010 pa AWOL si Selerio.

Napag-alaman ding noong nakaraang Miyerkules ay pumasok din sa loob ng jail si Selerio na may dalang baril, pero nakaalis na ito nang dumating ang mga pulis.

(Roman Magpoc)

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.